Sasagutin mo ang iyong telepono at magugulat kang
Walang boses sa kabilang linya.
Tatapikin mo sa balikat ang isang kakilala, na hindi mo
Alam kung saan nakilala, o kung nakilala nga ba.
Gigising kang magaan ang iyong pakiramdam,
Na para bang may humilot sa iyo sa pagtulog.
Mapapalingon ka na lang sa iyong likuran pag minsan.
Makakagat mo ang iyong dila. Mahuhulog ang kutsara.
Hahalungkatin mo ang mga luma mong litrato.
Mapapadungaw ka sa bintana dahil lamang
Sa kumikinang na lata sa kalsada.
Babasahin mo ulit ang mga nabasa mong libro.
Papanoorin mo ang mga napanood mong pelikula
Nang mas mabagal. Babasahin mo ulit ang iyong mensahe,
Bawat tuldok at letra nito. Dadalas ang iyong pagtingala
Dahil mapapansin mong ang araw na ito ay
Parang kahapon lamang at ang dinadaanan mo,
Parang nadaanan mo na at alam mong dumaan ka na rito
Nung napadaan ka sa iyong alaala.
At sa alaalang ito hindi ka nawawala.
(Mula sa website na may titulong High Chair: http://www.highchair.com.ph/issue15/15_butilnghangin01.htm)
Leave a comment