2 Magkaibigan, Patay sa Salpukan ng Motorsiklo at Pick-up!

Halos magkalasog-lasog ang katawan ng dalawang magkaibigan na sakay ng motorsiklo matapos makabanggaan ang isang pulang Izuzu kahapon sa pambansang lansangan ng Brgy. Bonfal Proper, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Nakilala ang mga namatay na sina Homer Sonday, 21 anyos, tsuper ng motorsiklo at angkas na si Marvin Arellano, 27 anyos, kapwa residente ng Buenavista, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Habang ang tsuper ng pick-up ay si Oscar Nava, 53 anyos, LGU Employee at residente ng Bagabag, Nueva Vizcaya.


Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt Jolly Villar, OIC PNP Bayombong, sinabi nito na ang pick-up ay galing sa Solano, Nueva Vizcaya at patungo sana sa bayan ng Bayombong nang sundan niya ang nag-overtake na bus ngunit nakasalpukan nito ang paparating na motorsiklo ng mga biktima.

Sinubukang dalhin sa ospital ang mga sakay ng motorsiklo na sina Sonday at Arellano ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa mga natamong matinding pinsala at bali sa ibat-ibang parte ng kanilang katawan.

Samantala, ang tsuper ng pick-up ay kusang sumuko sa himpilan ng pulisya na ngayon ay mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting (RIR) in Double Homicide and Damage to Property.

Facebook Comments